Noong bata pa ako, galit na galit ako sa basketbol. Mahilig kasi dun ang Tatay ko (sumalangit nawa). Hindi naman sa galit ako sa Tatay ko. Naiinis lang ako na sa tuwing may palabas na PBA game sa TV (feeling ko lang PBA yun dahil un ang sikat), inaagaw nya ang remote control saken para manood. At madalas pa, napipilitan akong sumama sa Nanay ko para manuod ng basketbol kung san kasali ang Tatay ko sa kung anumang liga. Bilang batang mahilig sa kulay pink, maglaro ng manika at magbasa, sadyang di ko kinalakhang maappreciate ang anumang sports, lalong-lalo na ang basketbol.
Para saken, napakakumplikadong panuorin ng basketbol. Di ko alam bakit pumito ang ref, bakit titigil ang laro para magshoot ng bola ang isa habang nakatigil ang lahat, bakit kailangan idribol ang bola habang tumatakbo, bakit ang liit ng basket. Ang gulo nyang laro. At ang claustrophobic. Isipin mo, mga higanteng naglalaro sa loob ng maliit na court at balik balik lang siya dun. Labo di ba? Pero mahilig dun si Tatay. Ewan ko ba.
Sa Pilipinas, madaming kalye basketbol courts. Peborit pastime daw ng Pinoy. Sa labas mismo ng bahay namin sa Morning Breeze, may nagtayo ng basket. Isang araw, niyaya ako ni Tatay at ng mga pinsan kong dumalaw mula Mindoro para maglaro. Ung mga pinsan na sinliit ko, nagagawang magdribol ng bola at ishoot. Samantalang ako, kahit anong effort ko, wala! Aangat lang ng konti ang bola pero babagsak mga ilang talampakan sa harap ko. At ang pagdribol? Ayun, parati ko lang siyang nabibitawan. Ang laki kaya ng bola! At ang pinakamasaklap nyan, hindi ako marunong sumalo!!! Dito ata nagsimula ang takot ko sa lumilipad na bola. Takte, hassle.
Nung high school ako, dahil sa kakulangan ng players, napasali ako sa intrams ng basketbol. Magaling ako nun sa pagsulat ng tula, sa math, sa pagdrowing at sa kung anu-ano pang extra-curricular activities. Pero men, hindi mo talaga ako maaasahan sa sports. Lampa kasi talaga ako. Ung mga classmates ko magppractice sa MBS gym samantalang ako nakatanga lang. Nung araw ng intrams, naipasok ako para maglaro. Para lang siguro maexperience ng lahat makapaglaro. Dumalangin ako ng mataimtim na sana wag ipasa saken ang bola. So far sa good. Sa ilang minuto na tumatakbo ako, hindi pa din ako napapasahan. Sa kasawiang palad, nangyaring open pala ko. SHET! Binato saken. Ayun, iniwasan ko ang bola. Out na.
Makalipas ang maraming taon, makalipas ang dalawang break-ups sa mga gfs ko at isang break-up sa bf ko, nahilig ako sa sports. Sabi kasi nila the best revenge is to be strong. Takte kasi ung ex ko, sabi nya weak daw ako, na umikot daw sa kanya ang mundo ko. Fine. Aminado naman ako. Nahilig ako magbike at magswim dahil gusto ko patunayan sa ex ko na malakas ako (hindi kasi siya magaling lumangoy at hindi marunong magbike). Hindi na ako bitter ngayon ok? Just being honest.
Kasabay ng pagkahilig ko sa triathlon ay namulat ang mata ko sa iba pang sports. Mas matindi ang kasiyahan na nabibigay nya kesa sa first kiss o first date tuwing nadidiscover kong mas lumalakas ako. At super kaduper mas matindi ang sport heartbreak kesa nung nakipagbreak saken ang ex ko. Ewan ko ba, pero for some reason, mas naintindihan ko ang ibig pakiramdam ng isang taong passionate sa sports, pero di ko pa din magets ang basketbol until netong FIBA World Cup 2014.
For the first time in my life, nanuod ako ng isang buong laro ng basketbol. Argentina vs. Philippines. Hindi live. Download lang. Pinanuod ko siya isang lunch time. OHMAYGHAD NAKAKAEXCITE. At for some reason, negets ko siya. Nagets ko ang intensity ng dakdak ni Norwood. Nagets ko na kahit gano tayo kaliit, may pag-asa tayo against the 3rd in the world. Kailangan pa iexplain ni Doods pero nagets ko kung gaano kalikot maglaro ng Pinoy kesa sa bruskuhan at nangangatawan, mababang talon style ng Argentina. Nagets ko ang epekto at kung gaano kaimportante ang sunod-sunod na 3-point shoot ni Alapag na nagpabuhay sa loob ng mga Pinoy. Nagets ko na sa pagkakataong ito, iisang kupunan ang sinisigaw ng Pilipino. Hindi Ateneo vs. La Salle. Hindi Ginebra vs. TnT. Hindi Beda vs (er.. sino pa ba ibang NCAA schools?). Basta, masaya. GETS NA GETS KO SIYA. FOR THE FIRST TIME. Yihee.
Nung game ng Gilas vs. Puerto Rico, nakikisubaybay na ko. Alangya, walang TV kasi nasa klase lang kami. So sa FIBA website lang kami nakiki-update ng mga MBA classmates ko. Eh ayun. TALO. Ang sakit sakit. Tsansa na eh. Ayun na eh. Umuulan nun. Naalala ko na dahil sa sobrang sakit, lumuluha ko sa jeep. SA JEEP. For the first time in my life umiyak ako dahil sa basketbol. Umiyak ako para sa Pilipinas. Umiyak ako kasama ng buong bansa. Bumalik lahat ng sports heartbreak. Parang nung unang Ironman ko pagtapos ma-DQ dahil sa time cut-off sa swim. Parang nung unang MVPO ko kung san na-DQ naman dahil daw lumagpas sa passing zone ung kakampi ko sa track and field relay. Parang nung huli kong Ironman na DQ ulit dahil di umabot sa finish line. ANG SAKIT. :(
Kaya nagdasal ako nung game against Senegal. Pinilit ko si DOods na magdasal para sa Pilipinas. NAGDASAL AKO para sa KUPUNAN KO. Nung last few minutes, nakalimutan kong dapat prim and proper ako dahil andun sa tabi ko ang Mommy ni Doods. Wala akong pakialam. Sumisigaw na ko at nagchcheer. Tumatalon sa palibot ng bahay nila. Shet, sana manalo. And they did. And for the second time, umiyak ako dahil sa basketbol. Ang bait ni Lord, binigay nya ang panalo. Ang saya saya. Ang sarap sarap. Panalo. Puso. :) Salamat Gilas! Salamat! :)
Siguro natatawa ngayon saken ang Tatay ko dahil sumulat ako ng ganito kahaba dahil sa basketbol. Siguro kung buhay pa siya, sabay kami umiinom ng beer kada FIBA game para manuod ng basketbol. Bawal mangealam sa TV. Ang naglipat panget. Siguro nagbobonding na kami ngayon dahil sa sports.
Ako, natatawa din ako sa sarili ko. :)